-- ADVERTISEMENT --

Pinag-aaralan ng House Prosecution panel ang posibilidad na mag-adjust sa kanilang communications team matapos higpitan ng Senate Impeachment Court ang mga panuntunan sa pagtalakay sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, kabilang sa mga pinag-uusapan ang posibilidad na may ilang prosecutor na umatras sa pagiging bahagi ng panel upang manatili bilang spokespersons sa paglilitis.

Bahagi ito ng pagpapatupad ng Rule 18 o sub judice rule, na naglilimita sa mga pampublikong pahayag hinggil sa merito ng kasong nakabinbin sa korte.

Gayunman, sinabi ni Adiong na hindi nangangahulugang mababawasan ang kanilang mga tagapagsalita. Maaari umanong magtalaga ng mga spokesperson na hindi miyembro ng prosecution panel upang ipaliwanag sa publiko ang takbo ng impeachment proceedings.

Iginiit din niya na dapat maging pantay ang pagpapatupad ng restriction sa prosecution at defense, habang nananatiling bukas ang posibilidad na maipaliwanag ng mga abogado ang mga teknikal na usapin ng kaso nang hindi nilalabag ang sub judice rule.

Ayon kay Adiong, layunin ng panel na sundin ang mga patakaran ng Impeachment Court habang napapanatili ang karapatan ng publiko na maunawaan ang mga nangyayari sa paglilitis.