Nanawagan si Quezon City Rep. Jose Chaves Alvarez ng masusing pagsusuri sa pagpapatupad ng system loss charges sa electric bill sa gitna ng mga panukalang alisin ang naturang singil.
Sa inihaing House Resolution ni Alvarez, hiniling ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung nananatiling makatarungan, malinaw at sapat ang mekanismo ng system loss charges para sa proteksiyon ng mga consumer.
Ayon sa mambabatas, mahalagang maisagawa ang pagdinig habang tinatalakay ang mga panukalang batas na naglalayong tuluyang ipatanggal ang singil, upang masuri ang epekto nito sa mga gumagamit ng kuryente at sa kabuuang sistema ng suplay.
Inaasahang haharap sa imbestigasyon ang Energy Regulatory Commission, mga transmission provider, distribution utilities, electric cooperatives, consumer groups at iba pang sektor upang ipaliwanag ang proseso ng pagkukuwenta ng system loss charges at kung ito ay naaayon pa sa kasalukuyang mga batas at regulasyon.
Layunin ng pagsusuri na matukoy ang mga posibleng reporma upang mapalakas ang karapatan at proteksiyon ng mga consumer, habang pinananatili ang isang matatag at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.













