KORONADAL CITY – Mainit na usapin ngayon sa hanay ng mga guro sa South Cotabato ang hindi pa naibibigay na mga benepisyo parta sa kanila.
Inamin ng DepEd-South Cotabato na ang pangunahing dahilan ng antala sa paglalabas ng Special Hardship Allowance, Salary Increments, at Loyalty Pay para sa taong 2025 ay ang kakulangan sa Notice of Cash Allocation o NCA mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa kagawaran, nasa 88 milyong piso ang kinaltas sa kanilang pondo para sa unang quarter ng 2026. Bukod dito, mayroong 195 na mga bagong hired na guro ang kasalukuyang “unfunded” o walang nakalaang pondo sa 2026 budget, kaya pansamantalang kinuha ang kanilang sahod at benepisyo mula sa kasalukuyang pondo ng dibisyon.
Dahil sa pag-prioritize sa sahod ng mga bagong guro, hindi muna naipatupad ang 3rd tranche ng Salary Increase na dapat sana ay epektibo nitong Enero.
Gayunpaman, tiniyak ng DepEd na gumagawa na sila ng hakbang. Noong March 18, nagsumite na ang opisina ng funding request sa DBM na nagkakahalaga ng mahigit 136 milyong piso upang maibalik ang ginamit na pondo at mabayaran ang mga kulang na benepisyo hanggang sa katapusan ng taon.
Samantala, para sa Clothing Allowance, nakatakdang ilabas ang 7,000 pesos para sa mga kwalipikadong personnel simula sa unang araw ng ngayong buwan ng Abril habang ang Medical Allowance na 7,000 pesos din ay nakadepende naman sa availability ng pondo.
Nanawagan naman ang DepEd-South Cotabato ng pang-unawa at pasensya mula sa mga guro at kawani habang hinihintay ang pag-apruba ng DBM. Tiniyak nila na oras na makuha ang pondo ay agad itong ipapamahagi.












