Naglabas ng maritime safety advisory ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos maapektuhan ng masamang panahon ang operasyon ng 62 pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula alas-4 hanggang alas-8 ng hapon nitong Hulyo 10.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PCG, umabot sa kabuuang 957 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang na-stranded, kasama ang 242 rolling cargoes, 13 barko at 33 motorbanca na hindi nakabiyahe dahil sa hindi ligtas na kondisyon ng karagatan.
Pinakamaraming naapektuhan ang Southern Tagalog, kung saan naitala ang 316 na-stranded na pasahero at 30 rolling cargoes sa mga pangunahing pantalan, kabilang ang Batangas, Lucena, Real, Romblon at iba pang ruta. Naitala rin ang 111 barko at 120 motorbanca na pansamantalang nagkubli habang hinihintay ang pagbuti ng panahon.
Sa Western Visayas, umabot sa 261 pasahero at 95 rolling cargoes ang na-stranded sa Caticlan Jetty Port, Port Parola at Cop Lapuz. Samantala, 94 pasahero at 97 rolling cargoes naman ang naitala sa mga pantalan sa Central Visayas, kung saan mayroon ding ilang barko at motorbanca na hindi muna bumiyahe.
Mayroon ding mga na-stranded na pasahero sa BARMM, Palawan, Bicol at Southern Visayas, habang sa North Western Luzon at North Eastern Luzon ay ilang barko at motorbanca ang pansamantalang nagkubli bilang pag-iingat sa epekto ng masamang panahon.
Sa kabuuan, iniulat ng PCG na 168 barko at 154 motorbanca ang pansamantalang sumilong sa ligtas na lugar upang maiwasan ang panganib sa paglalayag.
Patuloy namang pinapayuhan ng Coast Guard ang mga pasahero at operator ng mga sasakyang-pandagat na sumunod sa mga travel advisory at hintayin ang abiso ng mga awtoridad bago bumiyahe habang nananatiling hindi maganda ang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.













