Nanatiling nakakulong sa International Criminal Court detention facility si Rodrigo Duterte matapos pagtibayin ng korte na wala pang sapat na batayan upang siya’y pansamantalang palayain habang dinidinig ang kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Sa desisyon ng International Criminal Court Trial Chamber III, sinabi ng mga hukom na hindi nakapagbigay ang depensa ng bagong ebidensya na magpapakita ng malaking pagbabago sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte, taliwas sa naunang assessment ng court-appointed medical experts.
Binanggit din ng ICC na ang patuloy na pagtanggi ni Duterte na kilalanin ang hurisdiksyon ng korte ay maaaring indikasyon na hindi siya susunod sa mga magiging utos nito kung siya’y palalayain.
Ayon pa sa tribunal, may “real and substantial risk” na maaaring maimpluwensyahan o maantala ang proseso ng hustisya dahil sa kanyang impluwensya at mga koneksyon, kabilang na ang posibilidad ng pagtakas.
Samantala, pinayagan ng korte ang kahilingan ng depensa na huwag munang personal na dumalo si Duterte sa nakatakdang status conference sa Mayo 27, basta’t makapagsumite ng pormal na mosyon.
Sa naturang pagdinig, inaasahang tatalakayin ang timetable ng paglilitis, paglalatag ng ebidensya, at iba pang paghahanda para sa kaso kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng Pilipinas.













