KORONADAL CITY – Iniwan ni Mayor Eliordo “Bebot” Ogena ang isang kahanga-hangang legacy sa serbisyo publiko sa Lungsod ng Koronadal. Kilala siya sa kanyang dedikasyon at paglilingkod sa mga mamamayan, hindi lamang sa syudad kundi pati na rin sa buong probinsya ng South Cotabato.
Sa edad na 71 anyos, nasawi si Mayor Ogena, na nag-iwan ng napakalaking kontribusyon mula sa kanyang serbisyo bilang opisyal ng probinsya hanggang sa pagiging City Mayor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Senior Deputy Speaker for Mindanao at South Cotabato 2nd District Representative Ferdinand Hernandez, binigyang-diin niya ang walang sawang serbisyo ni Mayor Ogena kahit pa siya ay may iniindang karamdaman. “Isang opisyal na hindi tumitigil sa pagtatrabaho para sa ikabubuti ng kanyang lungsod,” ani Hernandez. Bagamat nagsuffer siya sa sakit, hindi ito ipinakita sa publiko at sinigurado niyang ang kapakanan ng mga Koronadalenos ay laging unahin.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay former South Cotabato Governor Inday Daisy Avance Fuentes, sinabi niya: “Ang paghigugma ni Mayor Bebot sa public service grabe gid – kahit may sakit na siya, iniintindi niya pa rin ako. Akala ko nga ako mauuna sa kanya dahil sa sakit, pero hanggang sa huling sandali, ipinakita niya ang pagmamahal niya sa Koronadal.”
Ayon naman kay Atty. Rene Jumilla, City Administrator ng Koronadal, napakaraming legacy ang naiwan ni Mayor Ogena. “Noong magkasama pa kami sa Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato, bahagi kami sa pagpanday ng Environmental Code na nagbabawal sa open-pit mining. Dinala rin niya ang ISKO Program, isang scholarship para sa mga Koronadalenos na nais mag-aral sa kabila ng kahirapan, pati na rin ang Barangay Sitio and Purok Empowerment Program. Marami pang iba—dinala ni Mayor ang lungsod sa mas mataas na antas ng development at itinakda ang mataas na pamantayan ng serbisyo publiko,” ani Jumilla.
Nagpasalamat din ang mga opisyal at mamamayan sa kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng Koronadal, at pinarangalan ang kanyang mga nagawa sa pamumuno sa lungsod.
Samantala, pormal nang nanumpa si Vice Mayor Erlinda Araquil bilang bagong alkalde ng Koronadal, habang si Councilor Ma. Ester Marin Catorce naman ang uupo bilang Bise Alkalde, upang ipagpatuloy ang serbisyo sa mga mamamayan sa kabila ng pagluluksa.













