KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang tatlong indibidwal matapos mabuwag ang isang drug den sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 12 (PDEA-12) pasado alas-8:00 ng gabi, Biyernes, Pebrero 20, 2026 sa Purok G. Morillo, Barangay Sta. Cruz, Koronadal City, South Cotabato.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Bon-Bon,” 36-anyos, mekaniko at itinuturong maintainer ng naturang drug den; alyas “Maymay,” 21-anyos, empleyado; at alyas “Edelyn,” 23-anyos, na pawang residente ng nasabing lugar.
Narekober mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 11 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na ₱74,800, isang improvised glass tooter na may residue, isang Android cellphone, at isang ₱500 bill na ginamit bilang marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article II, Sections 5, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ngayon, pansamantalang nakapiit ang mga ito sa custodial facility ng PDEA-12 habang inihahanda ang kaukulang disposisyon ng kanilang kaso.













