-- ADVERTISEMENT --

Hiningi ng defense team ang paglilinaw sa mga petsa at proseso ng pagsusumite ng ilang dokumento ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Mark Vinluan, napansin ng depensa ang umano’y hindi pagtutugma ng mga petsa sa Investigation Data Form na isinumite ng NBI, kabilang ang isang dokumentong may petsang Pebrero 11, 2025 ngunit lumalabas na natanggap umano ng DOJ noong Enero 30, 2025.

Kinuwestiyon din ng depensa ang isa pang dokumento na may pagbabago sa petsa ng pagtanggap, at iginiit na kailangan itong maipaliwanag upang matiyak ang integridad ng mga isinumiteng ebidensya.

Samantala, sinabi ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc na wala siyang maibibigay na paliwanag sa naturang mga petsa dahil hindi siya ang tumanggap o nagproseso ng mga dokumento.

Ayon kay Lotoc, ang mga opisyal o tauhan na direktang humawak ng mga dokumento ang mas makapagpapaliwanag sa isyu. Iginiit din niya na hindi binago ang nilalaman ng mga affidavit ng NBI at tanging karagdagang dokumento lamang ang hiniling ng DOJ bilang bahagi ng imbestigasyon.

Samantala, tumutol ang House prosecution sa pagtatanong ng depensa, sinabing hindi umano ito konektado sa pangunahing isyung tinatalakay sa impeachment case.

Iginiit naman ng depensa na mahalagang malinawan ang anumang hindi pagkakatugma sa mga dokumento upang matiyak ang transparency at kredibilidad ng ebidensyang inihaharap sa impeachment court.