Maaaring makatanggap ng farm inputs na nagkakahalaga ng ₱106.5 milyon ang mga magsasakang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kabilang sa maaaring ipamahagi ang mga binhi ng palay, mais at gulay upang makatulong sa muling pagsisimula ng produksyon ng mga magsasaka.
Batay sa nagpapatuloy na damage assessment ng DA regional offices, umabot na sa ₱135.3 milyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas.
Mahigit 4,000 ektarya ng agricultural areas ang naapektuhan, na nagresulta sa tinatayang 4,465 metriko toneladang production loss.
Pinakamalaki ang pinsala sa rice sector, kasunod ang mais, high-value crops, livestock at poultry, pati mga pasilidad sa irigasyon, makinarya at kagamitan.
Bukod sa farm inputs, maaari ring makakuha ang mga kwalipikadong magsasaka ng hanggang ₱25,000 na pautang sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council.
Layunin ng mga hakbang na matulungan ang mga magsasaka na makabangon at maipagpatuloy ang kanilang produksyon matapos ang pinsalang dulot ng kalamidad.













