Sa kanyang pagbabalik sa plenaryo matapos ang suspensyon, iginiit ni Francisco Barzaga na hindi siya nababahala sa posibilidad na mapatalsik sa puwesto sa gitna ng kinakaharap niyang ethics complaints.
Ayon sa mambabatas, handa niyang harapin ang anumang kahihinatnan at naniniwala siyang may iba pa siyang oportunidad sakaling mawalan ng posisyon. Umaasa rin siya na wala nang susunod na suspensyon upang makapagpokus sa mga isyu tulad ng fuel crisis at sa panukalang alisin ang VAT.
Matatandaang nasuspinde si Barzaga dahil sa umano’y disorderly behavior kaugnay ng kanyang mga online post. Iginiit din niyang hindi na siya dumalo sa mga pagdinig ng ethics committee dahil naniniwala siyang hindi rin magbabago ang magiging resulta nito.
Dagdag pa niya, kung sakaling mapatalsik siya, ito umano ay magpapatunay sa sinasabi niyang umiiral na korapsyon sa Kongreso.
Samantala, nagpahayag din siya ng pagtutol sa impeachment laban kay Sara Duterte, na aniya’y wala umanong bagong batayan at magiging dagdag lamang sa gastusin ng pamahalaan.










