Inilabas ng International Criminal Court ang agenda para sa nakatakdang status conference sa Mayo 27 kaugnay ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa international tribunal, tututok ang naturang pagpupulong sa mga preparasyon bago ang paglilitis sa kinahaharap na kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Kabilang sa mga pangunahing tatalakayin ang panukalang petsa ng pagsisimula ng trial, bilang ng mga testigo at ebidensiyang ihaharap, paggamit ng expert witnesses, at mga hakbang para sa proteksyon ng mga testigo.
Pag-uusapan din ng magkabilang panig ang disclosure obligations, pati na ang posibilidad ng pagdaragdag ng iba pang incidents na maaaring isama ng prosecutors sa kaso.
Nagtakda na rin ang Trial Chamber ng mga usapin hinggil sa agreed facts, interpretation at translation requirements, partisipasyon ng mga biktima, at iba pang mosyon na kailangang maresolba bago tuluyang umusad ang trial proper.
Inanunsyo rin ng ICC na magiging bukas sa publiko ang unang status conference, bagama’t nilinaw ng mga hukom na maaari pa ring isagawa sa pribadong sesyon ang ilang bahagi nito kung may mga sensitibong usapin, lalo na yaong may kinalaman sa seguridad at proteksyon ng mga testigo.













