-- ADVERTISEMENT --

Nagtatag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng National Artificial Intelligence Council (NAIC) upang pangasiwaan at tiyakin ang responsable, ligtas at etikal na pagpapaunlad at paggamit ng artificial intelligence (AI) sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Executive Order No. 131 na nilagdaan noong Nobyembre 12, pinagtibay din ang AI Governance Framework na magsisilbing pambansang gabay sa pagbuo ng mga polisiya, regulasyon at programa kaugnay ng makabagong teknolohiya.

Pangungunahan ng Executive Secretary ang konseho, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor. Pangunahing tungkulin nito ang koordinasyon at pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga polisiya sa AI.

Kabilang sa mga prayoridad ng kautusan ang pagpapalawak ng AI education at digital literacy, pagsasanay sa mga manggagawa, pagsusulong ng pananaliksik, at pagpapalakas ng digital infrastructure.

Tututukan din ang transparency, seguridad, pananagutan at proteksyon sa karapatan ng publiko upang matiyak na mapapakinabangan ang AI nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino.