-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng mga kaso ng pagpatay at pagkawala ng mga environmental defender sa Pilipinas, kasunod ng ulat na nananatili itong pinakamapanganib na bansa sa Asia para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa loob ng 13 taon.

Batay sa datos ng Global Witness, umabot sa 306 ang naitalang pagpatay at pagkawala ng environmental defenders sa bansa mula 2012 hanggang 2024.

Nakapagtala rin ang organisasyon ng 12 pagpatay noong 2025, kabilang ang anim na katutubo, tatlong maliliit na magsasaka at isang mamamahayag.

Kabilang din sa mga binigyang-pansin sa ulat ang mga pagpatay na hinihinalang kinasangkutan ng ilang miyembro ng militar, gayundin ang paggamit umano ng criminalization at red-tagging laban sa mga environmental advocate.

Para kay Estrada, nakaaapekto sa reputasyon ng Pilipinas sa international community ang patuloy na mga insidenteng ito, lalo’t bahagi ang bansa ng mga pandaigdigang kasunduan na nagtataguyod sa karapatang pantao.

Sa pamamagitan ng imbestigasyon, nais matukoy kung sapat ang mga umiiral na batas at mekanismo ng pamahalaan sa pagprotekta sa mga environmental defender, gayundin ang mga kinakailangang hakbang upang mapanagot ang mga nasa likod ng mga pag-atake.