Magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang France sa pamamagitan ng pag-deploy ng nasa 70,000 pulis at gendarmerie sa iba’t ibang panig ng bansa bilang paghahanda sa mga protesta ngayong Sabado, Oktubre 31, kasabay ng Halloween.
Ayon kay Interior Minister Laurent Nunez, magpapakalat din ang mga awtoridad ng armored vehicles at water cannon upang maiwasan ang posibleng kaguluhan at mapanatili ang kaayusan.
Nagsimula ang mga demonstrasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng cost of living na iniugnay rin sa mga insidente ng pagnanakaw at riot sa ilang lugar.
Batay sa datos ng Interior Ministry, umabot sa 410,000 katao ang lumahok sa mga protesta noong nakaraang Sabado, habang mahigit 2,700 naman ang naaresto noong nakaraang linggo.
Nagbabala rin si Nunez laban sa paggamit ng Halloween masks upang itago ang pagkakakilanlan habang nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad.
Pinayagan ang mga demonstrasyon, ngunit ipinagbawal ang mga ito sa ilang sentro ng lungsod na itinuturing na posibleng pagmulan ng kaguluhan.
Binigyang-diin ng kalihim na mahigpit na kikilos ang mga awtoridad laban sa sinumang lalabag sa batas, anuman ang grupong politikal na kinabibilangan.













