Posibleng bumaba ang presyo ng diesel sa Pilipinas sa susunod na linggo, habang inaasahan namang tataas ang presyo ng gasolina batay sa paunang pagtataya mula sa industriya ng langis.
Ayon sa isang source mula sa oil industry, maaaring magbawas ng ₱1.80 hanggang ₱2 kada litro sa presyo ng diesel. Samantala, posibleng tumaas naman ng ₱2 hanggang ₱2.20 kada litro ang presyo ng gasolina.
Nakabatay ang paunang pagtaya sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa loob ng apat na araw, gayundin sa pagbabago ng palitan ng piso kontra dolyar.
Bagama’t nagkaroon ng bahagyang paghina sa presyo ng langis dahil sa planong pagpapalabas ng mga reserbang langis at inaasahang pagbuti ng suplay mula sa Middle East, nananatili pa rin ang mga salik na maaaring magdulot ng pagbabago sa pandaigdigang merkado.
Kabilang sa mga ito ang mga pag-atake sa mga oil tanker at tumitinding tensyon sa rehiyon, na patuloy na nagdudulot ng pangamba sa katatagan ng suplay ng langis.
Nakaaapekto rin sa pandaigdigang suplay ang paghinto ng produksyon ng langis at gas sa Gulf of Mexico dahil sa paparating na bagyo, ang suspensiyon ng China sa pag-export ng mga produktong petrolyo, at ang pagkawala ng ilang kapasidad sa pagproseso ng langis sa Russia at Middle East.
Inaasahang iaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo sa Lunes, na karaniwang ipinapatupad tuwing Martes.
Gayunman, maaari pang magbago ang mga paunang pagtataya depende sa huling galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at sa iba pang salik na nakaaapekto sa presyuhan ng produktong petrolyo.













