-- ADVERTISEMENT --

Nasa huling yugto na ang Department of Justice (DOJ) sa paghahanda ng extradition petition laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.

Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, isinasagawa na ang final legal review sa mga dokumento bago ihain ang petisyon sa lokal na korte.

Tinitiyak ng DOJ na susunod ang petisyon sa 1994 extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos, gayundin sa mga bagong tuntunin ng Korte Suprema para sa extradition proceedings.

Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong qualified human trafficking at child abuse and exploitation sa Pilipinas.

Samantala, hinahanap din siya ng mga awtoridad sa Estados Unidos kaugnay ng mga kasong sex trafficking na isinampa sa California, kabilang ang umano’y trafficking at pagsasamantala sa mga menor de edad.

Kapag natapos ang legal review, susunod na hakbang ng DOJ ang paghahain ng extradition petition sa korte para sa kaukulang proseso.