-- ADVERTISEMENT --

Iimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Vice President Sara Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte upang hingin ang kanilang panig sa alegasyon ni dating police patrolman Rodulfo Gracioso Jr. tungkol sa umano’y paghahatid ng maleta-maletang pera.

Nilinaw ni NBI Director Melvin Matibag na imbitasyon at hindi subpoena ang ipapadala sa mga personalidad na binanggit sa affidavit ni Gracioso. Kabilang din dito sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at ang kanyang asawa.

Ayon kay Gracioso, naghahatid umano siya ng pera kina VP Sara, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Paolo Duterte sa utos ni Velasco. Nagsumite rin siya ng mga larawan at iba pang materyales na kasalukuyang bineberipika at ina-authenticate ng NBI.

Sinabi ng NBI na layunin ng imbitasyon na maiharap sa mga personalidad ang affidavit at mga isinumiteng ebidensiya upang makuha ang kanilang tugon. Una nang itinanggi ni VP Sara na kilala niya si Gracioso o nakatanggap siya ng pera mula rito.

Samantala, sumailalim na si Gracioso sa ikalawang lie detector test sa NBI noong Setyembre 30. Gayunman, sinabi ng bureau na ang naunang test ay nakatuon lamang sa kanyang pagkakakilanlan at relasyon sa mga taong binanggit niya, at hindi awtomatikong nagpapatunay sa mga alegasyon sa kanyang affidavit.