-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nagkamali siya sa nauna niyang pahayag na tuluyan nang ibinasura ng Austria ang asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Remulla, wala pa siyang konkretong impormasyon kung naaprubahan o tinanggihan ang aplikasyon. Ipinaliwanag niyang karaniwang tumatagal ng ilang buwan ang proseso ng asylum, kaya posibleng nakapaglabas na ng desisyon ang Austria—ngunit hindi pa ito nakukumpirma sa panig ng pamahalaan ng Pilipinas.

Samantala, iginiit ni Remulla na hangga’t walang kumpirmadong asylum status si Roque, hindi nito awtomatikong nangangahulugang mayroon siyang proteksiyon laban sa mga legal na proseso sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ni Remulla na rejected na ang asylum request ni Roque matapos lumampas ang itinakdang panahon ng pagproseso. Binawi niya ang pahayag na iyon at kinilala na wala siyang sapat na impormasyon upang sabihing tuluyan nang tinanggihan ang aplikasyon.

Tungkol naman sa warrant at Interpol, sinabi ni Remulla na maaari nilang ipatupad ang pag-aresto kay Roque kapag may kaukulang Interpol Red Notice at iba pang legal na batayan.