-- ADVERTISEMENT --

Sinusuri ng House prosecution panel ang posibleng pagkakatulad sa paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential funds noong alkalde pa siya ng Davao City at nang pamunuan niya ang Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi direktang kasama sa impeachment charges ang paggamit ng confidential funds ng Davao City. Gayunman, maaari umano itong magsilbing background o konteksto sa kasalukuyang kaso kung may makikitang pattern na may kaugnayan dito.

Batay sa mga rekord ng Commission on Audit, nasa P144 milyon ang confidential funds ng Davao City noong 2016. Umabot naman ito sa P293 milyon noong 2017, P420 milyon noong 2018 at P460 milyon kada taon mula 2019 hanggang 2022.

Sinabi ni House prosecutor Rep. Joel Chua na kapansin-pansin ang patuloy na paglaki ng confidential funds ng lungsod noong panahon ni Duterte bilang alkalde, kasunod ng mga kahilingan para sa confidential funds sa OVP at Department of Education.

Ayon naman kay prosecution counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr., maaaring maging mahalaga ang mga naunang transaksyon kung makatutulong ang mga ito sa pagpapakita ng pattern. Kabilang dito ang posibleng pagkakatulad sa mga taong sangkot at sa paraan ng paggamit at pag-liquidate ng confidential funds.

Gayunman, nilinaw ng prosecution na hindi bahagi ng mga impeachment charge laban kay Duterte ang paggamit ng confidential funds ng Davao City. Maaari lamang umano itong gamitin bilang konteksto kung mapatutunayang may kaugnayan sa mga isyung tinatalakay sa impeachment case.