-- ADVERTISEMENT --

Personal na alitan na umano’y nag-ugat sa P8 milyong utang ang isa sa mga pangunahing motibong tinitingnan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpaslang sa political vlogger na si Alicia Lipata, na mas kilala bilang “Mima Alicia.”

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Lipata at ang mga itinuturong mastermind ng krimen na may kaugnayan sa naturang utang.

Sinabi rin ng PNP na naituro na ng mga naarestong suspek ang mga umano’y mastermind sa likod ng pamamaslang.

Gayunman, nilinaw ng pulisya na posibleng may iba pang motibo sa krimen at ang mga itinuturong mastermind lamang ang makapagbibigay ng buong paliwanag tungkol sa insidente.

Matatandaang binaril at napatay si Lipata sa labas ng kaniyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17 ng mga lalaking sakay ng motorsiklo. Sugatan naman ngunit nakaligtas ang kaniyang live-in partner na kasama niya nang mangyari ang pamamaril.

Noong Hulyo 23, naaresto ng mga awtoridad sa Mabalacat, Pampanga ang gunman at ang rider sa isang operasyon. Nasamsam din sa kanila ang ilang baril at granada na patuloy na isinasailalim sa imbestigasyon.