-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng pananakit sa isang guro na umano’y binugbog ng dalawang estudyante sa loob ng Elizalde National High School sa Maco, Davao de Oro.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang sitahin ng guro ang isang estudyante dahil sa pagsusuot umano ng hikaw na labag sa school policy. Sa halip na sumunod, nagalit umano ang estudyante at sinuntok ang guro sa mukha. Makalipas ang ilang sandali, nakisali rin ang kapatid ng estudyante at sinuntok ang guro mula sa likuran.

Makikita rin sa kumalat na video ang ilang segundong komosyon sa covered court ng paaralan bago tuluyang naawat ang dalawang menor de edad.

Dahil sa insidente, isinangguni na ng DepEd Davao Region ang kaso sa guidance office ng paaralan para sa kaukulang administrative action. Dinala na rin sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang dalawang estudyante.

Samantala, patuloy ang hiwalay na imbestigasyon ng DepEd Davao de Oro Schools Division Office. Ayon kay DepEd-11 spokesperson Jenielito Atillo, hinihintay pa nila ang opisyal na incident report mula sa Schools Division Office, habang sumailalim na sa medical examination ang gurong nasugatan.

Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng paaralan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.