-- ADVERTISEMENT --

Hindi dadalo si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang pagpapakita ng kanyang pagtutol sa kasalukuyang kalagayan ng demokrasya sa bansa.

Ayon kay Cayetano, ang kanyang pagliban sa seremonya sa Batasang Pambansa ay isang “simpleng protesta” laban sa tinawag niyang “gumuguhong demokrasya.”

Sa halip na personal na dumalo, sinabi ng senador na susubaybayan na lamang niya ang magiging takbo ng SONA. Hinikayat din niya ang publiko—maging mga tagasuporta man o kritiko ng administrasyon—na pakinggan ang ulat ng Pangulo dahil ito ay may kaugnayan sa kalagayan ng buong bansa.

Samantala, nakatakda namang ihayag ni Cayetano ang kanyang sariling “kontra-SONA” sa Martes, Hulyo 28, kung saan ilalatag niya ang kanyang alternatibong agenda at mga pananaw sa mahahalagang usaping kinakaharap ng bansa.

Kabilang sa mga bibigyang-pansin sa kanyang mensahe ang mga isyung pang-ekonomiya at ang paggamit ng pondo ng pamahalaan.