-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa pagpapatuloy ng impeachment trial na mayroon nang mga persons of interest ang ahensya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Matibag, ang mga persons of interest ay maaaring makatulong sa pagtukoy sa sinasabing nakausap ni Duterte na umano’y inatasang kumilos sakaling may mangyaring masama sa Bise Presidente. Posible rin aniyang kabilang sa mga ito ang mismong taong tinutukoy sa naging pahayag ni Duterte.

Matatandaang sinabi ni Duterte na kung siya ay papatayin, may nakausap na umano siyang tao na papatay rin kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez.

Gayunman, tumanggi si Matibag na isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga persons of interest upang maprotektahan ang mga informant at hindi maapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon.

Ang testimonya ni Matibag ay bahagi ng pagtalakay sa Article IV ng impeachment complaint, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng grave threats at inciting sedition laban sa Bise Presidente.

Nauna nang iginiit ng NBI na ang mga naging pahayag ni Duterte ay isang “serious, active, and continuing threat” na may potensyal na magdulot ng panganib sa pambansang seguridad.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng NBI habang isinasagawa rin ng Senado ang pagdinig sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.