-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senator-Judge Alan Peter Cayetano na iwasan ang agarang paghusga kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kaugnay ng tinatawag na “Operation Romanov,” kasunod ng mga pahayag na lumutang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa ikalimang araw ng paglilitis, sinabi ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na lumitaw sa imbestigasyon ang isang talumpati ni Mayor Duterte noong Enero kung saan binanggit nito ang sinapit ng Romanov family ng Russia. Ayon kay Lotoc, ang naturang pahayag ay isinama sa pagsusuri ng NBI kaugnay ng umano’y banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Gayunman, iginiit ni Cayetano na hindi sapat ang pagbanggit sa Romanov family upang agad itong ituring na pagbabanta. Aniya, may malinaw na pagkakaiba ang isang babala at isang direktang banta, kaya’t hindi dapat magmadaling magbigay ng konklusyon laban sa alkalde.

Ayon pa sa senador, makatarungang isama sa imbestigasyon ang pahayag ni Mayor Duterte, ngunit hindi ito nangangahulugang napatunayan nang may intensiyon itong magbanta sa First Family.

Binigyang-diin din ni Cayetano na nararapat maging maingat at patas ang impeachment court sa pagtingin sa mga ebidensyang inihaharap upang matiyak na walang sinumang hinuhusgahan batay lamang sa interpretasyon ng mga pahayag habang nagpapatuloy ang paglilitis.