-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Estados Unidos na nananatiling bukas ang Strait of Hormuz sa kabila ng pahayag ng Iran na isinara nito ang mahalagang shipping lane habang nagpapatuloy ang palitan ng mga pag-atake ng dalawang panig.

Lalong tumindi ang sigalot matapos sabihin ng Washington na tinamaan ng militar nito ang mahigit 140 target sa Iran noong nakaraang linggo. Ayon sa US, isinagawa ang operasyon bilang tugon sa umano’y pag-atake ng pwersa ng Iran sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz na gumagamit umano ng hindi awtorisadong ruta.

Samantala, inanunsiyo ng Iran nitong Linggo na pansamantala nitong isinasara ang naturang lagusan at iginiit ang kontrol nito rito hanggang sa maglabas ng panibagong abiso.

Kasabay nito, nagsagawa rin ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng malawakang pag-atake laban sa mga base militar ng Estados Unidos. Iniulat naman ng United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Oman, at Bahrain na naharap nila ang missile at drone attacks na nagmula umano sa Iran.

Sa kabila ng patuloy na paglala ng sitwasyon, sinabi ni US President Donald Trump na nakahanda pa ring ipagpatuloy ang diplomatic talks, habang nagsisikap ang mga mediator na muling maisulong ang peace process sa rehiyon.