Nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda sa Northern Luzon na umiwas sa ilang bahagi ng karagatan dahil sa inaasahang pagbagsak ng debris mula sa rocket launch ng China sa Hunyo 23.
Batay sa abiso ng PCG station sa Isabela, nakatakdang ilunsad ng China ang Long March 7A mula sa Wenchang sa pagitan ng alas-10:02 hanggang alas-11:00 ng umaga.
Dalawang posibleng drop zones ang natukoy sa karagatan ng Northern Luzon. Ang una ay malapit sa mga baybaying sakop ng Burgos at Dalupiri Island, habang ang ikalawa naman ay nasa karagatang malapit sa Santa Ana at Camiguin Norte.
Dahil dito, hinimok ng PCG ang mga mangingisda at iba pang sasakyang pandagat na iwasan muna ang mga nasabing lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang isinasagawa ang rocket launch.
Nagbabala rin ang ahensya sa publiko na huwag hahawakan ang anumang debris na posibleng matagpuan sa dagat o baybayin dahil maaaring naglalaman ito ng mapanganib na kemikal. Sa halip, agad itong iulat sa pinakamalapit na awtoridad para sa tamang pagresponde at paghawak.













