Muling nagsagawa ng operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paligid ng Kota Island sa West Philippine Sea matapos mamataan ang isang dayuhang fishing vessel sa loob ng teritoryo ng Pilipinas noong Linggo.
Ayon kay PCG spokesperson Jay Tarriela, ito na ang ikaapat na operasyon ng ahensya sa loob ng tatlong linggo bilang bahagi ng patuloy nitong pagpapatrolya sa nasabing karagatan.
Namataan ang dayuhang sasakyang-pandagat habang nagpapatrolya ang PCG gamit ang High-Speed Response Boat, humigit-kumulang 1.75 nautical miles sa hilaga at hilagang-kanluran ng isla, sa loob ng 12-nautical-mile territorial sea ng Pilipinas. Nilapitan ito ng mga tauhan ng PCG sakay ng mga rubber boat at paulit-ulit na inabisuhang umalis sa lugar.
Nauna ring nagsagawa ng katulad na operasyon ang PCG sa Lawak Island noong Oktubre 15, kung saan pinaalis ang mga barkong Chinese at apat na maliliit na bangka.
Ipinaliwanag ng PCG na ipinagbabawal ang pangingisda ng mga dayuhang sasakyang-pandagat sa karagatang sakop ng Pilipinas nang walang kaukulang pahintulot, alinsunod sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.
Samantala, tiniyak ni PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan na magpapatuloy ang pagbabantay at pagpapatrolya sa Kalayaan Island Group, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Marine Corps.













