-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng House  Speaker Faustino “Bojie” Dy III na nakatuon sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino ang mga panukalang inaasahang tatalakayin sa espesyal na sesyon ng Kongreso.

Ayon kay Dy, kabilang sa mga prayoridad na hakbang ang pagpapalawak ng suporta sa edukasyon, pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen, at pagbibigay ng karagdagang ayuda sa mga pamilyang nahaharap sa iba’t ibang krisis.

Binigyang-diin ng Speaker na layunin ng mga panukalang ito na gawing mas abot-kamay at mas epektibo ang mga programa ng pamahalaan para sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong, partikular ang mga mag-aaral, nakatatanda, at mga pamilyang kapos sa kabuhayan.

Ipinunto rin niya na naaprubahan na ng Kamara ang mga naturang panukala, dahilan upang umasa ang Mababang Kapulungan na agad itong maisusulong tungo sa ganap na pagsasabatas at pagpapatupad.

Samantala, ang pagtalakay sa mga priority measures ay kasunod ng panawagan ni Ferdinand Marcos Jr. para sa isang espesyal na sesyon ng Senado, na layong mapabilis ang aksyon sa mahahalagang panukalang kabilang sa legislative agenda ng administrasyon.