Binatikos ng House prosecution panel ang panukala ng ilang senador na payagan ang online participation sa nakatakdang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Tinawag ni House impeachment trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ang naturang setup na “Zoom impeachment,” na ayon sa kanya ay posibleng magpahina sa tiwala ng publiko kung papayagan ang mga senador na dumalo at bumoto sa pamamagitan ng online platform.
Giit ni Adiong, dapat manatiling pisikal ang presensya ng mga senador sa paglilitis upang matiyak ang masusing pagdinig sa mga testimonya at ebidensya. Aniya, mahalaga ang personal na obserbasyon sa kilos, pananalita, at kredibilidad ng mga testigo sa ilalim ng cross-examination—mga bagay na mas mahirap matantya sa virtual setup.
Binalikan din niya ang karanasan noong panahon ng pandemya at ang implementasyon ng online classes, kung saan aniya ay naapektuhan ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante dahil sa remote setup. Paliwanag niya, dapat iwasan na maulit ang kahalintulad na pagbaba ng kalidad sa isang impeachment proceeding na may mataas na pamantayan.
Samantala, patuloy na isinusulong ng ilang miyembro ng Senate majority bloc ang posibilidad ng pagbabago sa rules ng impeachment court upang payagan ang online participation. Gayunman, mariin itong tinututulan ng minority bloc na naninindigan sa tradisyunal na pisikal na pagdalo sa mga ganitong uri ng paglilitis.













