-- ADVERTISEMENT --

Bumisita ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa construction site ng isang nine-storey na gusali sa Angeles, Pampanga upang inspeksyunin ang kalagayan ng mga manggagawa at alamin kung may paglabag sa labor standards at occupational safety.

Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino, layunin ng inspeksyon na tiyakin kung nasusunod ang mga patakaran para sa kaligtasan ng mga construction workers, lalo na sa mga proyektong may mataas na panganib tulad ng malalaking gusali.

Lumabas sa ulat ng regional labor office na noong Setyembre 2024 ay pansamantalang ipinasara ang naturang construction site matapos matuklasan ang ilang paglabag, kabilang ang kakulangan sa safety gear na mahalaga para sa proteksyon ng mga manggagawa.

Gayunman, makalipas ang isang buwan ay pinayagan itong magpatuloy matapos umano sumunod sa mga kinakailangang compliance ang contractor.

Patuloy na binabantayan ng DOLE ang proyekto upang matiyak na hindi na mauulit ang mga paglabag at mapanatili ang kaligtasan sa lugar ng konstruksyon.