Bumuo na ng tracker teams ang National Bureau of Investigation (NBI) bilang paghahanda sa posibleng pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Melvin Matibag, kasalukuyang tinututukan ng mga awtoridad ang tatlong posibleng lokasyon kung saan maaaring naroroon ang senador. Gayunman, hindi pa aniya matukoy kung kailan maisasagawa ang posibleng pag-aresto dahil nagpapatuloy pa ang operasyon at intelligence gathering.
Sinabi rin ng NBI chief na humingi na sila ng tulong sa iba’t ibang ahensya at personalidad sa intelligence network upang palakasin ang monitoring at koordinasyon kaugnay ng kaso.
Ayon pa kay Matibag, agad nilang inihanda ang tracker teams matapos maglabas ng kautusan ang Department of Justice (DOJ) na ipatupad ang anumang legal na utos mula sa ICC.
Binanggit din niya na may opsyon si Dela Rosa na kusang sumuko, bagama’t aminado siyang tila maliit ang posibilidad na gawin ito ng senador.
Samantala, sinabi ni Claire Castro ng Presidential Communications Office na wala pang opisyal na kumpirmasyon ang Malacañang hinggil sa mga bagong warrant. Gayunpaman, ayon sa kanya, hindi na rin nakapagtataka kung madagdagan pa ang mga pangalan na masasangkot sa kaso.
Binigyang-diin naman ng NBI na ipatutupad ng gobyerno ang anumang legal na kautusan mula sa ICC alinsunod sa umiiral na batas, habang hinihikayat ang mga posibleng maharap sa warrant na kusang sumuko sa mga awtoridad.













