-- ADVERTISEMENT --

Itinaas ng World Health Organization (WHO) sa “very high” ang antas ng panganib ng lumalalang outbreak ng Bundibugyo strain ng Ebola virus disease sa Democratic Republic of Congo (DRC), dahil sa patuloy na pagdami ng kaso at limitadong kakayahan ng mga sistema ng kalusugan na makapigil agad sa pagkalat.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nananatiling mataas ang posibilidad ng mabilis na transmission sa loob ng DRC, habang “high” ang risk sa mga karatig-bansa at “low” pa lamang sa global level.

Batay sa pinakahuling datos, nasa 82 ang kumpirmadong kaso, kabilang ang pitong nasawi, habang higit 170 ang pinaghihinalaang pagkamatay at halos 750 suspected cases na patuloy pang iniimbestigahan. May naitala ring pagkalat sa Uganda, kung saan dalawang kaso mula sa mga biyaherong galing DRC ang nakumpirma, at isa ang nasawi.

Iniulat din na dalawang Amerikanong indibidwal na may kaugnayan sa outbreak ang inilipat sa Germany at Czech Republic para sa mas advanced na gamutan at isolation. Samantala, pinag-aaralan ng WHO ang paggamit ng experimental antiviral na Obeldesivir bilang posibleng karagdagang opsyon, bagama’t nasa ilalim pa ito ng mahigpit na clinical protocols.

Ayon sa mga eksperto, maaaring matagal nang umiikot ang outbreak bago ito opisyal na nakumpirma, na posibleng nag-ambag sa mabilis na pagtaas ng kaso habang hinahabol ng mga awtoridad ang contact tracing at containment measures.