-- ADVERTISEMENT --

Humiling ang Office of the Ombudsman sa Senado na isumite ang lahat ng kopya ng CCTV footage kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap noong Mayo 13 sa loob ng gusali ng Senate of the Philippines bilang bahagi ng hiwalay nitong imbestigasyon sa kaso.

Ayon kay Jesus Crispin Remulla, mahalagang makuha ang mga video recordings upang malinaw na matukoy ang buong detalye at pagkakasunod-sunod ng nangyaring insidente sa loob ng Senado. Bukod sa CCTV footage, hinihingi rin ng Ombudsman ang mga kuha ng media personnel na naroroon habang nagaganap ang putukan.

Umaasa rin si Remulla na magiging transparent ang imbestigasyon at wala umanong mangyayaring pagtatakip o cover-up upang lumabas ang katotohanan sa insidente.

Kasabay nito, inanunsyo ang anim na buwang preventive suspension laban kay Mao Aplasca habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Nauna nang inamin ni Aplasca na siya ang nagpaputok ng warning shot matapos umano niyang makatanggap ng impormasyon hinggil sa presensya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation o NBI sa GSIS wing ng Senado.

Gayunman, nilinaw naman ni Melvin Matibag na walang tauhan ang NBI sa loob ng Senado nang maganap ang insidente ng putukan.

Nabatid din na sina Aplasca at Ronald dela Rosa ay kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986.