-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng International Criminal Court o ICC na sila ang naglabas ng warrant of arrest laban kay Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng madugong kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa inilabas na 16-pahinang dokumento ng ICC, nakasaad na “classified as secret” ang arrest warrant ngunit maaari itong ibahagi sa mga estado, international organizations, at iba pang awtorisadong indibidwal.

Nauna nang sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na isang kopya ng warrant ang ipinadala umano sa Philippine Center on Transnational Crime.

Ayon kay ICC spokesperson Orianne Maillet, lehitimo ang dokumentong kumalat sa media at kinumpirma niyang inilabas ito ng tribunal noong Nobyembre 6, 2025 sa ilalim ng confidential proceedings.

Batay sa warrant, may “reasonable grounds” umano upang paniwalaang si dela Rosa ay may pananagutan bilang “indirect co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity of murder kaugnay ng mga operasyon kontra droga mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.

Nakasaad din sa dokumento na hindi bababa sa 32 katao ang umano’y napatay sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kasagsagan ng kampanya kontra droga, kung saan sangkot umano ang ilang miyembro ng law enforcement, kasama ang mga hinihinalang hitmen at non-police assets.

Si dela Rosa ang nagsilbing unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyong Duterte at isa sa mga pangunahing mukha ng war on drugs campaign.

Iginiit naman ng ICC prosecution na kinakailangan ang agarang pag-aresto kay dela Rosa upang matiyak ang kanyang pagharap sa korte at maiwasan umano ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon.

Binanggit din sa dokumento na may mga ulat umanong nagbanta si dela Rosa laban sa isang ICC investigator at tinawag na “traitors” ang mga taong nakikipagtulungan sa imbestigasyon ng tribunal.

Dahil dito, sinabi ng ICC na mahalagang maipatupad ang warrant upang maprotektahan ang mga testigo at mga biktimang konektado sa kaso.

Samantala, nagtungo umano ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa Senado upang tangkaing isilbi ang warrant laban kay dela Rosa, ngunit hindi ito naipatupad dahil sa umiiral na constitutional provision ng Senado.