Iginiit ni human rights lawyer Kristina Conti na may karapatan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumili ng sarili niyang legal counsel, ngunit umaasa ang mga biktima na hindi ito magiging dahilan upang maantala ang proseso ng kaso sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Conti, bagama’t kinikilala ang “counsel of choice” ng isang akusado, hindi naman awtomatikong nangangahulugan ang pagpapalit ng abogado na mare-reset ang takbo ng kaso o magkakaroon ng panibagong remedyo para sa depensa.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni lawyer Nicholas Kaufman na dadalo ang bagong lead counsel sa status conference na itinakda sa Mayo 27, 2026.
Gayunman, sinabi ni Conti na maingat nilang tinitingnan ang naturang development, lalo na’t nais umano ng mga biktima na maiwasan ang anumang hakbang na maaaring magpabagal sa paglilitis.
Aniya, ihaharap ng mga common legal representatives sa korte ang mga pananaw at pangamba ng mga biktima sa pagdinig sa Mayo 27.
Dagdag pa ni Conti, malinaw umano ang sentimyento ng maraming biktima: nais nilang magsimula ang paglilitis sa lalong madaling panahon upang umusad na ang paghahanap ng pananagutan kaugnay ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.













