KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang 48-anyos na suspek matapos nitong pagtatagain hanggang sa mapatay ang kanyang dating kinakasama at bagong karelasyon nito sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Purok Malipayon, Brgy. Moloy, Surallah, South Cotabato.
Kinilala ang suspek na si alyas “Tonton,” residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Kapitan Boyet Fulgencio ng Brgy. Moloy, Surallah, alas-11:00 ng gabi, Huwebes, Mayo 1, nang pasukin ng suspek ang bahay nina alyas “Nene,” 55-anyos, at ang live-in partner nito na si alyas “Boboy,” 72-anyos.
Habang mahimbing na natutulog ang mga biktima, walang awa silang pinagtataga ng suspek gamit ang isang mahabang bolo.
Dahil sa dami ng tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, hindi na nagawa pang maisugod sa ospital ang dalawa at agad na nalagutan ng hininga.
Sa katunayan, kinaumagahan pa nalaman ang nangyari sa magkarelasyon matapos na may pumunta sa kanilang tinutuluyang bahay.
Sa salaysay ng ilang kapitbahay, nakarinig diumano sila ng sigaw mula sa bahay ng mga biktima ngunit hindi nila inaasahan na pinagtataga na ang mga ito.
Selos ang itinuturong motibo ng PNP sa nasabing karumal-dumal na krimen, dahil hindi umano matanggap ng suspek ang pakikipagrelasyon ng dating kinakasama sa matandang biktima.
Ayon pa kay Kapitan Fulgencio, inamin mismo ng suspek na siya ang pumatay sa mga biktima. Kasabay ng kanyang pagsuko, narekober din ang sandatang ginamit sa krimen.
Napag-alaman na inimbita pa ng biktimang babae si Kapitan at mga kasama nito sa barangay hall sa kaniyang nakatakdang kasal dahil madalas itong nagbebenta ng gulay.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Double Murder.













