-- ADVERTISEMENT --

Agad na nagbigay ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng NCR Field Office sa mga pamilyang naapektuhan ng malaking sunog sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City noong Biyernes ng gabi.

Tinatayang 4,000 pamilya ang naapektuhan ng sunog.

Ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG) ng DSWD, lahat ng mga apektadong pamilya ay makatatanggap ng tulong mula sa ahensya.

Kasama sa ipinamahaging relief assistance ang ready-to-eat food packs (RTEFs) at sleeping kits na ibibigay sa mga pamilya sa evacuation site.

Ang mga pamilyang nawalan ng tirahan ay pansamantalang nanunuluyan sa Pinyahan Elementary School.

Sa ngayon, naghahanda na ang DSWD NCR ng karagdagang family food packs (FFPs) at iba pang non-food items (NFIs) para sa mga apektadong residente.

Tinututukan ng DSWD at mga lokal na partner ang mabilis na pamamahagi ng tulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan.