Naglabas ng paalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong Pebrero sa ilalim ng kampanyang #BSPSecuriTips, na nagbababala laban sa mga “love language” na nauuwi sa paghihingi ng pera o tulong pinansyal.
Ayon sa BSP, kailangang maging dobleng maingat ang publiko sa mga online na pakikipag-ugnayan, lalo na kung may kasamang usapang pera, dahil karaniwan itong ginagamit ng mga scammer upang makapanloko.
Ngayong buwan ng mga puso, napapansin ang pagdami ng mga kaso ng “romance scams,” kung saan sinasamantala ang emosyon ng biktima upang makahingi o makakuha ng pera.
Bilang tugon, pinaalalahanan ng BSP ang publiko na isabuhay ang #CPR—Check, Protect, Report—bilang gabay sa ligtas at responsableng pagbabangko.
Kamakalawa, inilunsad din ng BSP ang Financial Services Cyber Resilience Plan (FSCRP) na naglalayong patibayin ang depensa ng sektor ng pananalapi laban sa mga banta sa cyberspace.
Dagdag pa rito, ipatutupad simula Hunyo 25, 2026 ang phishing-resistant authentication gamit ang FIDO Suite sa lahat ng mga bangkong nasa ilalim ng pangangasiwa ng BSP, alinsunod sa Anti-Financial Account Scamming Act.
Sa kabuuan, mariing pinapaalalahanan ng BSP ang publiko na huwag basta magpadala ng pera sa mga online na kakakilala at tiyaking ligtas ang kanilang mga account sa pamamagitan ng mas matibay na authentication at agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad.













