Labinlimang senador ang lumagda sa isang draft resolution na naglalayong ipahayag ang pagkabahala ng Senado sa Chinese embassy matapos itong maglabas ng maaanghang na pahayag laban sa ilang opisyal ng Pilipinas dahil sa kanilang matapang na paninindigan sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Umalab ang palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ng ilang senador at ng embahada ng China matapos punahin si Sen. Francis Pangilinan sa kanyang pagtuligsa sa pinalakas na military drills ng China sa paligid ng Taiwan, at si Sen. Risa Hontiveros matapos niyang ilarawan ang China bilang isang “bad guest” kaugnay ng diplomatic protest na may kinalaman sa pahayag ni Philippine Coast Guard WPS Spokesman Commodore Jay Tarriela.
Bagama’t sinusuportahan ng nakararaming senador ang draft resolution, may ilang mambabatas umano na humahadlang sa pagpasa nito.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ikinalulungkot niyang may ilan sa kanilang mga kasamahan sa Senado na tila mas pinapaboran ang China.













