KORONADAL CITY – Nananatili pa rin sa evacuation centers ang mahigit 500 pamilya sa Kalamansig, Sultan Kudarat matapos lumikas dahil sa sunod-sunod na pagyanig, kabilang ang pinakamalakas na magnitude 5.3.
Ito ang kinumpirma ni Beverly Anne Santos, Information Officer 2 ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 12, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Sa abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mula Enero 19, 10:52 PM hanggang Enero 23, nakapagtala na ng 765 magkakasunod na pagyanig sa paligid ng Kalamansig, kung saan 234 ang na-plot sa mapa at 30 ang naramdaman ng mga residente.
Ang magnitude ng mga pagyanig ay nag-iba mula 1.4 hanggang 5.3, kabilang ang mahina at malalakas na lindol. Patuloy ang monitoring ng PHIVOLCS sa mga susunod pang pagyanig, at pinaaalalahanan ang mga nakatira sa baybayin sa posibilidad ng tsunami.
Dagdag pa ni Santos, ang mga evacuees ay mula sa mga barangay ng Sta. Clara, Baliwasan, Pag-asa, Sta. Maria, at iba pang apektadong lugar sa Kalamansig. Naranasan din ang lindol sa mga bayan ng Lebak, Palimbang, Esperanza, at sa lungsod ng Tacurong. Ayon sa OCD, ang paglikas ng mga residente ay bahagi ng preemptive evacuation upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sa isinagawang damage assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Kalamansig, nakitaan ng sira ang Datu Giabar Pilot Elementary School sa Poblacion at Sta. Clara National High School, kaya’t suspendido rin ang klase sa mga paaralang ito.
Sinusuportahan ang hakbang na ito ng inilabas ni Gobernador Datu Pax Ali sa Executive Order No. 95, Series of 2026, na nag-utos ng:
- Suspensyon ng klase province-wide sa tatlong apektadong bayan
- Suspensyon ng trabaho sa government offices sa Kalamansig, Lebak, at Palimbang
- Blended work arrangements sa iba pang bahagi ng lalawigan
Nakaposisyon na rin ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), katuwang ang DSWD 12 at OCD 12, para sa sapat na pagkain at non-food items sa evacuation centers. Handa rin ang Provincial Engineering Office at DPWH Sultan Kudarat District Engineering Office ng heavy equipment para sa agarang tugon sa oras ng emergency.
Patuloy na minomonitor ng Provincial Government ang sitwasyon sa evacuation centers at pinapaalalahanan ang publiko na manatiling kalmado, alerto, at sumunod sa tagubilin ng lokal na awtoridad, lalo na ang mga nasa baybayin na maaaring maapektuhan kung sakaling magkaroon ng tsunami.













