Umalis ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaninang alas-10:22 ng umaga para sa isang working visit sa Estados Unidos.
Mananatili si Pangulong Marcos sa New York hanggang Miyerkules, Marso 11, 2026.
Kasama ng Punong Ehekutibo sa kanyang biyahe si First Lady Liza Marcos at ilang miyembro ng gabinete.
Ayon kay Department of Foreign Affairs spokesperson Angelica Escalona, kabilang sa mga aktibidad ng Pangulo ang mga high-level engagement sa United Nations. Inaasahang mananawagan siya ng pagpigil at kahinahunan sa mga panig na sangkot sa labanan sa Middle East at hihikayatin ang mga ito na bumalik sa negotiating table.
Hihilingin din ng Pangulo na igalang ang international law at ang UN Charter sa gitna ng nagpapatuloy na labanan.
Makikilahok din si Pangulong Marcos sa pagbubukas ng ika-70 sesyon ng UN Commission on the Status of Women.
Nakatakda rin siyang makipagpulong kay UN Secretary-General Antonio Guterres upang talakayin ang sitwasyon ng labanan sa Middle East.













