Arestado ang 42-anyos na lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos makumpiskahan ng iligal na baril at nasa Php30,000 na halaga ng shabu sa kanyang tahanan sa Barangay Banayal, Tulunan, Cotabato, nitong madaling-araw ng Lunes, Abril 21, 2025.
Kinilala ang hinuling suspek na si alyas “Ran”, 42 anyos, na residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng Tulunan Municipal Police Station (MPS), bandang 4:30 ng umaga nang kanilang isinilbi ang Search Warrant laban sa suspek katuwang ang mga tauhan ng Cotabato Police Provincial Intelligence Unit (CPPO PIU) at PDEA 12.
Narekober sa loob ng tahanan ni Ran ang anim na sachet ng pinaniniwalaang shabu na may kabuuang bigat na 3.2 gramo na may tinatayang halaga na Php30,000, at ang isang .22 caliber revolver kargado ng limang bala.
Inihahanda na ngayon ng Tulunan MPS at ng PDEA 12 ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa nahuling indibidwal.