Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang mga negosyanteng sinasamantala ang kasalukuyang krisis sa langis sa bansa, kasabay ng pagkumpirma na marami pa ring mga gas stations ang hindi makapag-operate dahil sa kakulangan sa suplay ng langis.
Ayon sa ulat ng PNP, mahigpit nilang binabantayan ang presyuhan at distribusyon ng petrolyo, lalo na pagkatapos ng mga insidente ng pananamantala sa presyo ng langis, kasabay ng epekto ng kaguluhan sa Middle East. Bagamat may ilang gas stations na ang muling nagbukas, patuloy ang kampanya ng PNP laban sa mga ilegal na aktibidad tulad ng overpricing at hoarding.
Upang matiyak ang matatag na suplay ng langis, nakikipag-ugnayan si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Department of Energy (DOE) at sa mga Municipal Price Coordinating Council upang mapigilan ang anumang uri ng pagmamanipula sa merkado.
Ang PNP ay nanatiling full alert status, at mahigit 98,000 na personnel ang naka-deploy mula noong Marso 31 upang magsagawa ng monitoring at pagtugon sa anumang reklamo ng mga mamamayan.
Hinimok ni Gen. Nartatez ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na presinto, o tumawag sa 911 at opisyal na PNP hotline kung may mapapansin silang irregularidad sa pagbebenta ng petrolyo, tulad ng overpricing o hoarding.













