Umabot sa anim ang iniulat na nasawi sa shooting incident na naganap sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato nitong Setyembre 18, taong kasalukuyan.
Batay sa paunang impormasyon mula sa mga awtoridad, nangyari ang insidente dakong alas-1:30 ng hapon, partikular sa Grade 9 area ng paaralan.
Kabilang sa mga nasawi ang isang guro, habang kinilala naman ang ilan sa mga biktima. Hindi pa nakikilala ang isa pang nasawi habang hinihintay ang opisyal na kumpirmasyon sa pagkakakilanlan nito.
Samantala, ilang estudyante rin ang iniulat na nasugatan sa insidente at agad na isinugod ang ilan sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City para sa agarang pagpapagamot.
Ayon sa paunang salaysay ng mga saksi, nagsimula umano ang kaguluhan matapos magkaroon ng komprontasyon ang dalawang indibidwal na sinasabing may naunang alitan. Pareho umanong may dalang armas ang mga ito, at isa sa mga itinuturong sangkot ay kabilang din sa mga nasugatan.
Kasunod ng insidente, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Banga Municipal Police Station at iba pang kinauukulang awtoridad upang tiyakin ang seguridad sa loob ng paaralan at magsagawa ng clearing operations.
Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari, kabilang ang motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng sinasabing responsable sa insidente.
Bilang pag-iingat, agad na sinuspinde ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ang klase sa lahat ng antas sa buong munisipalidad ng Banga.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang Department of Education sa Schools Division Office, Regional Office at mga kapulisan upang maberipika ang buong detalye ng insidente.
Tiniyak din ng DepEd na nakahanda itong magbigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga estudyante, guro at personnel na maaaring naapektuhan o nakaranas ng trauma.
Patuloy ang clearing operations, imbestigasyon at validation ng mga awtoridad habang hinihintay ang karagdagang opisyal na impormasyon kaugnay ng insidente.













