Aabot sa 40 priority measures ng administrasyon at ng 20th Congress ang nananatiling nakabinbin sa Senado, ayon kay Sen. President Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na ang mga ito ay bahagi ng 53 panukalang batas na kabilang sa prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council, na itinuturing na mahahalagang hakbang para sa pagsusulong ng mga programa ng pamahalaan.
Ayon sa Senate President, ilan sa mga panukalang ito ang hindi agad natalakay sa pagtatapos ng unang regular session ng 20th Congress dahil sa mga isyung humarap sa mataas na kapulungan nitong mga nakaraang buwan.
Karamihan sa mga nakabinbing panukala ay may kaugnayan sa mga sektor ng enerhiya, ekonomiya, at edukasyon na inaasahang makatutulong sa pagpapaunlad ng bansa.
Binigyang-diin naman ni Gatchalian na hindi mapapabayaan ang mga legislative measure kahit na magsilbi ang Senado bilang impeachment court sa mga susunod na buwan.
Aniya, nakahanda siyang magpatawag ng caucus ng lahat ng senador kung kinakailangan upang matiyak na magpapatuloy ang pagtalakay sa mga mahahalagang panukala habang isinasagawa ang impeachment proceedings.
Plano rin ng Senate leadership na mag-imbita ng mga eksperto at resource persons upang magbigay ng mas malalim na pagtalakay sa mga panukala at matulungan ang mga senador sa kanilang pagdedesisyon hinggil sa mga ito.













