Naging susi ang mabilis na pagkilos ng mga residente sa South Delhi, India matapos sumiklab ang isang malagim na sunog sa isang hotel na ikinasawi ng hindi bababa sa 21 katao, kabilang ang 12 dayuhan.
Habang mabilis na nilalamon ng apoy ang apat na palapag na gusali sa Malviya Nagar noong Miyerkules, nagtulung-tulong ang mga nakatira sa lugar upang ilatag ang mga kutson sa kalsada para saluhin ang mga taong napilitang tumalon mula sa mga bintana upang makaligtas.
Ayon sa mga saksi, kabilang sa mga nailigtas ang isang batang tumalon mula sa ikatlong palapag at ligtas na nasalo ng mga residente.
Pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa isang restaurant sa ground floor bago mabilis na kumalat sa buong gusali. Agad namang rumesponde ang mga bumbero at nakontrol ang apoy bandang tanghali.
Sa kabila ng mga pagsisikap sa pagsagip, hindi bababa sa 21 katao ang nasawi habang 49 naman ang isinugod sa ospital. Dalawa sa mga sugatan ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon.
Patuloy pang tinutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga dayuhang biktima, habang nakadetine na ang may-ari ng gusali kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.













