-- ADVERTISEMENT --

Nasawi ang dalawang piloto matapos bumagsak ang isang F-4 Phantom fighter jet habang nagsasagawa ng air show sa Tanagra Air Base, hilaga ng Athens, Greece noong Sabado, Setyembre 5.

Ayon sa Greek Air Force, bumagsak ang eroplano ilang daang metro lamang mula sa lugar kung saan naroon ang mga manonood. Libo-libo ang dumalo sa air show, ngunit wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Natagpuan ang mga labi ng dalawang piloto sa paligid ng Tanagra Air Base, na nasa humigit-kumulang 60 kilometro sa hilaga ng Athens.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad upang apulahin ang sunog na sumiklab matapos bumagsak ang jet. Gumamit ng 11 water-dropping aircraft at tinatayang 85 bumbero ang tumulong sa operasyon.

Kasunod ng insidente, kinansela ng mga organizer ang ilang aktibidad na nakatakda sana sa mga susunod na araw.

Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng F-4 Phantom.