Habang nagpapatuloy ang impeachment trial sa Senado, nakiisa si Vice President Sara Duterte sa isang tree planting activity at pagdiriwang sa Surigao del Sur nitong Miyerkules.
Sa Facebook post ng Bise Presidente, ibinahagi niya ang kaniyang pagbisita sa Barangay Bigaan sa bayan ng Hinatuan bilang pakikiisa sa ika-18 Araw ng Bigaan at ika-65 Patronal Fiesta ng Mother of Perpetual Help.
Nagpasalamat si Duterte sa mainit na pagtanggap ng mga residente at sinabi niyang ikinatuwa niyang makasama ang komunidad sa kanilang selebrasyon.
Bukod sa pagdalo sa patronal fiesta, lumahok din ang Bise Presidente sa tree planting activity na isinagawa sa loob ng Bigaan National High School kasama ang ilang kawani ng Department of Education (DepEd).
Samantala, nasa ikatlong araw na ang impeachment trial laban kay Duterte sa Senado. Sa kabila nito, hindi pa siya personal na dumadalo sa mga pagdinig ng impeachment court.
Noong Martes, nagtungo si Duterte sa Senado upang makipagpulong sa kaniyang mga abogado at ipakita ang suporta sa kaniyang defense team, ngunit hindi siya pumasok sa mismong sesyon ng paglilitis.













