-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Donald Trump ang pagkansela ng nakatakdang biyahe ng kanyang mga kinatawan patungong Islamabad, Pakistan, kung saan sana’y muling makikipag-usap ang Estados Unidos sa mga opisyal ng Iran.

Ayon kay Trump, kabilang sa dapat bumiyahe sina Steve Witkoff at Jared Kushner, ngunit hindi na ito itinuloy. Iginiit niya na hawak ng US ang “maraming baraha” at maaaring ang Iran na lamang ang makipag-ugnayan kung tunay itong seryoso sa negosasyon.

Dagdag pa ng Pangulo, marami nang nasayang na biyahe sa mga naunang pagtatangka ng pag-uusap, kaya’t mas nais ng US na hintayin na lamang ang direktang pakikipag-ugnayan mula sa panig ng Iran. Binanggit din niya ang patuloy na pagdududa sa pamumuno ng Iran, na aniya’y nagpapahirap upang lubos itong pagkatiwalaan sa usaping diplomatiko.

Matatandaang ilang ulit nang nagsagawa ng negosasyon ang US at Iran sa layuning mapahupa at tuluyang matigil ang umiiral na tensyon at alitan sa pagitan ng dalawang bansa.