-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nagbabanta ang Tropical Storm Kiyapo na magdala ng malalakas na pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa matapos itong itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Tropical Cyclone Intensity Scale.

Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA alas-3:00 ng madaling araw nitong Biyernes, Hulyo 24, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 355 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay ng Kiyapo ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Inaasahang magpapatuloy ang epekto ng bagyo kasabay ng habagat na nakaaapekto sa Visayas, Southern Luzon, at ilang bahagi ng Mindanao. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang matindi at tuloy-tuloy na pag-ulan, gayundin sa banta ng malalakas na hangin.

Ayon sa forecast track, posibleng tumama ang Kiyapo sa Babuyan Islands ngayong tanghali bago ito tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

  • Batanes
  • Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands
  • Isabela
  • Nueva Vizcaya
  • Quirino
  • Apayao
  • Abra
  • Kalinga
  • Mountain Province
  • Ifugao
  • Benguet
  • Ilocos Norte
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, at Dipaculao)

Samantala, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, CALABARZON, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, at Pangasinan.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto dahil maaari pa ring makaranas ng pagbaha at landslide dulot ng malalakas na pag-ulan.